Abante Babae: Pagtindig laban sa Karahasan at Malayang Pamamahayag

2minDig
10 min readNov 25, 2021

--

Akda nina Cathelyde dela Torre & Justin Francisco | Inilatag ni Justin Francisco

FILE PHOTO: Rappler

“It’s so dangerous to be a journalist right now.” Ang pahayag na ito ay mula kay Maria Ressa sa kaniyang panayam sa TIME Magazine matapos siyang ipahuli sa kasong libel ng kasalukuyang administrasyon. Si Ressa ay isang batikang mamamahayag, isa sa mga nagtatag at namumuno ng online news outlet na Rappler, at ang kauna-unahang Pilipino na pinarangalan ng prestihiyosong Nobel Prize award.

Isa si Maria Ressa sa mga nakaranas ng pagmamalupit, pang-aalipusta, at panggigipit ng pamahalaan sa mga babaeng mamamahayag ng bansa. Magmula noong taong 2018 hanggang sa kasalukuyan ay makailang beses siyang sinampahan ng kaso patungkol sa kanyang matapang na pamamahayag. Siya rin ay humarap sa paglilitis, nagpiyansa, at nakulong ng makailang ulit, na pinaniniwalaan niyang isang politikal na propaganda lamang ang lahat ng ito laban sa kanya. Sa kabila ng lahat, patuloy ang paninindigan ni Ressa sa kanyang prinsipyo at dedikasyon sa trabaho. Ika nga niya, “Press freedom is an illusion. And we are forced to test it with every story. Because there’s a gun pointed at you. And if you step outside the lines, you get targeted… If you want democracy to survive, we’re all gonna have to do more.. The only way to deal with a Damocles sword hanging over your head, when you have a government that wants to intimidate you, to silence is to swat it away, and do your jobs.”

Isa lamang si Ressa sa mga biktima ng inhustisya sa kababaihan ngunit ang marubdob na katotohanan ay marami pa ang hindi natin nakikilala. Marami pang mga manunulat at mamamahayag ang dumaraan sa ganitong sitwasyon — inaatake sa internet, pilit na pinapatahimik, nire-redtag, at ang pinakamalala ay ang madahas at walang awang pagpatay sa kanila.

Sa inilabas na ulat ng Committee to Protect Journalists o CPJ, nananatiling pampito ang Pilipinas sa mga bansang pinakadelikado para sa mga mamamahayag. Sa katunayan, kung ikukumpara ang datos noong taong 2014 sa datos nitong Disyembre 2020, malinaw na makikita ang pag-akyat ng bahagdan ng kaso patungkol sa mga kababaihang peryodista na nakakaranas ng karahasan, mapa-sekswal man, pisikal, o online na umabot sa 73%. Nangangahulugan lamang ito na mas naging mapanganib ang bansa para sa mga mamamahayag mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 sa puwesto. Sa loob ng anim na taon ng kanyang panunungkulan, lantaran ang pambabalasubas, pananakot, at pang-aakusa sa mga tagapaghatid ng balita at impormasyon. Sa kasalukuyan, nananatili ang pagbabanta, paniniil, at kalupitan sa mga itinuturing na “kritiko” ng pamahalaan.

Maliban kay Ressa, ang mga sumusunod ay ang iba pang mga matatapang na babaeng mamamahayag na naging biktima rin ng karahasan.

Chiara Zambrano

“It was confused silence, but you could also feel the anger.” Iyan na lamang ang nasambit ni Chiara Zambrano, isang batikang manunulat at prodyuser sa ABS-CBN, matapos marinig ang balitang ipapasara na ang nasabing istasyon.

Noong May 5, 2020, nagtipon-tipon si Chiara at ang kaniyang kapwa mga mamamahayag, tagapagbalita, cameramen, prodyuser, editor, at mananaliksik sa kanilang newsroom upang masaksihan ang kahuli-hulihang newscast ng TV Patrol, isa sa mga pambansang programang pangbalitaan ng ABS-CBN News, pagkatapos ng 33 na taon. Puno ng kalituhan at galit ang nararamdaman ng bawat isa, hindi makapaniwala na magagawang ipasara at siilin ang kanilang kalayaan sa pamamahayag sa gitna ng pandemya.

Ani niya, hindi na ito kabilang sa mga “isolated incidents.” Ito ay malinaw na paniniil at pagpapatahimik sa kanilang pamamahayag. Pinaniniwalaan niyang mayroon itong ripple effect, kung saan maaaring mangyari sa iba pang midya ang kanilang naging sitwasyon. Dagdag pa niya, hindi kailanman nagkasundo ang midya at ang pamahalaan dahil ang obligasyon ng mga manunulat at mamamahayag ay ang siyasatin ang kilos nito.

Ang naturang pagpapasara ng isa sa pinakamalaking istasyon sa bansa ay maituturing na pag-atake sa press freedom nito. Binusalan at tinanggalan ng karapatan ang midya. Ang pagpapasara ng istasyon ay lantarang suportado ni Duterte. Matatandaan na nitong Disyembre 2019, nauna nang sinabi ng pangulo na inaabangan niya ang pagtatapos ng kanilang prangkisa at hindi niya papayagan ang renewal nito. Madalas ding pabulaanan ng pangulo ang network dahil sa matapang at kritikal nitong pamamahayag. Marahil, ito ay dahil sa personal na galit ng pangulo matapos hindi i-ere ang kaniyang politikal na patalastas ukol sa kaniyang kampanya sa pagkapresidente noong 2016 at sa pagiging “kritiko” nito sa kaniyang administrasyon.

Bukod pa riyan, si Chiara ay isang halimbawa ng matapang at kritikal na mamamahayag. Noong April 8, sumuong ang buong team ni Chiara sa Ayungin Shoal ng West Philippine Sea upang i-ulat ang tunay na nangyayari sa ating mga mangingisda sa naturang karagatan. Hindi biro ang kanilang naranasan sapagkat hinabol sila ng mga Chinese vessels na may kargang missiles at binantaan sila ng mga Tsino. Dahil sa kaniyang naihatid na istorya, naiparating ang ganap na karanasan ng mga mangingisdang Pilipino sa sarili nating karagatan — kapag nariyan ang mga Chinese Coast Guards, hindi sila makapangisda, pinagbabantaan sila at ang iba ay hinahabol o binabantayan. Bagama’t naghatid ito ng kamalayan sa publiko ukol sa WPS, naging taliwas pa ang reaksyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sinabihan pa si Chiara ng isang opisyal ng gobyerno na, “Pinagmukha niya raw inutil ang AFP.” Ngunit, ang dapat na tanong ay hindi ang, “Bakit nariyan si Chiara?” kung hindi ang, “Nasaan ang AFP ng nangyari ang harap-harapang pagbabanta ng mga Chinese Coast Guards?” Kaya naman kinagulat ng marami na pagkatapos ng ganitong uri ng pahayag ng AFP at iba pang mga nasa posisyon ay ginawaran ng parangal si Chiara, isang plake para sa kaniyang pagbibigay ng kamalayan at kabayanihan sa kamakailang panggigipit ng mga barko ng Tsina.

Hindi lamang pagpapatahimik ang ginagawa ng pamahalaan sa mga katulad ni Chiara na mamamahayag, pati na rin ang pagbabalewala at pagturing sa kanila bilang katatawanan. Bukod sa pagsiil sa malayang pamamahayag, personal din na atake ang binabato sa kanila. Isa lamang patunay na napakahirap maging peryodista sa Pilipinas, lalo na sa ilalim ng pamamahala ni Duterte.

Inday Espina-Varona

Sa loob ng ilang dekada, nasaksihan ni Inday Espina-Varona, isang beteranong mamamahayag, ang sitwasyon ng midya sa iba’t ibang pamamahala ng bawat nagdaan na administrasyon.

“Many Philippine presidents have attacked the press, but only Rodrigo Duterte, of all the presidents, have publicly subscribed to the idea that journalists are fair game for murder,” wika ni Inday. Sa dinami-rami ng dumaan na pangulo sa Pilipinas, si Duterte lamang ang tahasang tumatapak sa karapatan ng mga mamamahayag at unti-unting pumapatay sa press freedom ng bansa. Nang maupo siya sa posisyon, mas lumubha ang karahasan sa mga manunulat. Dumami at tila naging normal ang pagpatay, pag-aresto, mga banta, at intimidasyon sa mga peryodista. Dumagsa rin ang mga trolls kung saan iniuugnay ang mga mamamahayag sa mga termino, tulad ng “presstitutes”, “bayaran”, “komunista”, at “dilawan”.

Para kay Inday, ang bawat araw ay naging puno ng pangamba. Naranasan niyang ma-redtag at maakusahang terorista dahil sa kaniyang ulat tungkol sa pagpatay sa mga Lumad sa Surigao del Sur ng paramilitia noong Setyembre 1, 2015. Bukod pa rito, patuloy ang pag-atake sa kaniyang mga istorya at kritikal na opinyon laban sa gobyerno.

Naninindigan si Inday na ang pinakamalaking banta sa press freedom ay ang pamahalaan at ang lider ng pag-atake ay walang iba kundi ang pangulo. Sa gitna ng mga paniniil ng kasalukuyang administrasyon, hinihikayat niya ang midya na ipagpatuloy ang pamamahayag dahil ito ay nararapat na maging malaya. Ang kritikal, walang takot, at tapat na pamamahayag ay hindi dapat matigil at masindak sa mga panghahadlang ng gobyerno.

Ika niya, “Silence would be a surrender to tyranny.”

Karen Davila

Noong 2016, matapos niyang maging tagapagpadaloy ng 2016 Presidential Debate, ay inulan siya ng pambabatikos, tangkang karahasan, at pananakot mula sa mga taga-suporta ni Duterte. Tinawag siyang “biased” dahil sa kanyang pagtatanong patungkol sa naitalang mga naging paglabag ni Duterte sa batas at hindi makataong sistema bilang alkalde sa lungsod ng Davao.

Matapos nito, nang maihalal si Duterte sa pagkapangulo, ang mga atake laban kay Davila ay patuloy pa ring namamayagpag. Inulan siya ng samu’t-saring batikos sa social media dahil sa kanyang mga malisyoso umanong katanungan sa kanyang programang “Headstart” at nagkalat din ang iba’t-ibang memes laban sa kanya na ginawa siyang katatawanan. Sa kabila nito, patuloy pa rin si Davila sa pagiging matapang na mamamahayag.

Ayon sa kanya, isa lamang siya sa napakaraming mamamahayag na biktima ng trolling sa social media. Ang mga kuha ng bidyo na inilalabas sa social media laban sa kanya ay mga putol o ‘di kaya’y edited lamang na wala ang buong konteksto. Naniniwala siya na ginagamit ito ng iba’t-ibang political parties para sa kanilang mga sariling interes.

Ika niya, “A “non-awakened populace” is also a threat to press freedom. When people don’t understand the role of the media, and the importance of the media, and how it plays in a democratic landscape, then we do have a big problem. The issue of press freedom is an issue for all Filipinos, trolling online has caused people to lose the “integrity of thought.” Integrity of thought is lost when we doubt ourselves due to the deluge of disinformation on Facebook. We’re seeing a culture of hate, a culture wherein you name-call, you curse, you accuse, you malign, you destroy the reputation of someone you feel is not on your side, or may have a different stand than you. And instead of pulling people together to discuss issues, you’re actually drawing them apart.”

Naniniwala siya na ang interes ng pamamahayag ay ang katotohanan at hindi ito laging perpekto. Ang pagiging mamamahayag ay hindi lamang umano nasusukat sa pagkakaroon ng lakas ng loob. Bagkus ito ay ang pagkakaroon ng katapangan sa pagsisiwalat ng katotohanan kasabay ng pagkakaroon ng realisasyon na ginagawa nila nang mabuti at maayos ang kanilang trabaho na may mabuting intensyon.

Pia Ranada

Imbis na takot ay galit ang naramdaman ni Pia Ranada matapos siyang pagbawalang makapasok sa Malacañang at pisikal na kumalap ng impormasyon hinggil sa galaw at kilos ng administrasyon. Naniniwala siyang pulitikal na panggigipit sa pamamahayag ang ginawa sa kanya sapagkat walang abiso at hindi malinaw ang dahilan kung bakit siya pinagbawalan samantalang ang iba ay puwede naman maliban sa kanya. Umuugat ang konklusyon niyang ito sa mga pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tila naiirita ang pangulo sa mga inilalabas na lathala ni Ranada. Ayon sa kanya, isinasalamin umano nito kung paano ang isang may prinsipyong mamamahayag at ng isang matatag na pahayagan ay kayang tumindig laban sa isang maimpluwensya at makapangyarihang tao gaya ni Duterte.

Si Ranada ay isang halimbawa ng isang babaeng matapang, may prinsipyo, walang takot, at makataong mamamahayag na handang tumindig at ipaglaban ang kanyang karapatan. Kahit na siya’y pilit na binubusulan, nanatiling mulat ang kanyang mata, bibig, at isip sa katotohanan. Patuloy siya sa paglaban at pagtindig para sa tama at para sa bayan!

Camille Diola

Ayon kay Camille Diola, ang editor-in-chief ng Philippine Star na isa sa mga pinakakilalang digital newspaper sa Pilipinas, mas kaunti ang pagbabanta sa social media at mas nagbubukas ito ng oportunidad kumpara sa print at broadcast.

Ito ang kaniyang pananaw bago ang eleksyon noong 2016 na nabago matapos maupo sa posisyon si Pangulong Duterte. Ang dati’y nakikitaan ng oportunidad ay nagkaroon ng nag-uumapaw na mga trolls. Ang kaunting pagbabanta ay naging malala at malubha na umabot sa name-calling at red-tagging. Ang nakaraang nakikitan ng liwanag ay naging madilim at malabo.

Inilalarawan ni Diola ang sitwasyon ng mga mamamahayag bilang isang malaking pagsubok hindi lamang sa moralidad, kung hindi pati sa sikolohikal na aspeto. Bagama’t matindi ang pagpapahirap sa midya ay nararapat na patuloy ang pagpapanagot, pagcall-out, at pagbabantay sa kilos ng pamahalaan at sa nangyayari sa kapaligiran. Tunay na pagkakaisa at pagtutulungan ng masa ang magiging daan upang marating ang layunin ng lipunan.

Sabi nga niya, “The way forward is to keep on crying out, keep on calling out, to keep on demanding.”

Sa ipinaabot na mensahe ng Malacañang kay Ressa bilang Nobel Prize awardee, batid ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “Press freedom is alive and well in the Philippines. President Duterte may have his share of detractors in the media, but the government has never abridged press freedom, and does not intend to do so. The historical record says it all.” Iwinika rin niya na patunay ito na ang “press freedom” o malayang pamamahayag ay kinikilala, ginagarantiya, at ipinapatupad sa buong bansa. Subalit taliwas ang mga pahayag nilang ito sa inilabas na “press freedom predators list” ng Paris-based media watchdog Reporters Without Borders o kilala din sa tawag na “RSF” na kung saan kasama si Pangulong Duterte sa gallery of world leaders na inilarawan bilang “who crack down massively on press freedom.”

Ayon sa RSF, ang predatory method ni Duterte sa Pilipinas ay ang pangangampanya ng “total war” laban sa mga media outlets. “The executive has enormous power centered on the president. Judges who don’t toe the line are pushed aside. Congress tamely endorses all the president’s decisions… Backed by most of the private sector, Duterte easily imposes his line on media outlets owned by businessmen that support him. Independent media outlets have assumed the role of opposition, with all the risks that this entails,” dagdag pa ng RSF. Ang panggigipit at pagbabanta ni Duterte sa Philippine Daily Inquirer at Rappler, at pagpapasara sa ABS-CBN ay ang isa sa mga hakbang ng administrasyon sa tahasang pagsupil sa Press Freedom.

Tunay ngang hindi ligtas ang mga mamamahayag sa ating bansa at wala pang konkretong batas ang nangangalaga sa kanilang kapakanan at karapatan. Kami, bilang mga susunod na alagad ng midya, ay kaisa nila. Kinokondena namin ang mga ganitong klaseng pagtrato at gawain laban sa ating mga mamamahayag. Hindi lamang sa mga babae, bagkus ay sa bawat tao na bumubuo sa aming larangan. Tigilan na ang kultura ng impyunidad at wakasan na ang pagpapakalat ng maling impormasyon at black propaganda. Para sa isang malaya, makatao, at matiwasay na pamamahayag. Kami ay tumitindig! #DefendPressFreedom

--

--

2minDig
2minDig

Written by 2minDig

Tumitingin, Tumutugon, Tumitindig!

No responses yet