Akda ni: Rovic Matienzo | Inilatag ni: JD Olitan
Si Andres Bonifacio, atapang atao
Aputol a-kamay, hindi atakbo
Aputol a-paa, hindi atakbo
Apugot a-ulo, hindi atakbo
Aputol a-uten, atakbo a-tulin
Laging binabanggit ang nakakatuwang tulang ito mula pa noong bata ako hanggang sa ngayon, na sa aking pananaliksik ay nagmula sa karakter ni Tikboy na ginanapan ni Anjo Yllana sa sitcom na Palibhasa Lalake. Bukod sa palabirong deskripsyon nito sa isa sa ating pambansang bayani at sa mala-pambatang pagbaybay sa mga salita, kapansin-pansin rin ang pagkaunawa sa persona ni Gat Andres bilang isang matapang na tao — matapang na Pilipino. Isa ang tulang ito sa nagpapaalala sa atin kung anong klaseng tao nga ba ang ating pambansang bayani, ngunit dinami-dami ng deskripsyon nailathala sa Supremo, sa katapangan na nga lang ba natatapos ito?
Sa paanong paraan ba dapat natin alalahanin si Andres Bonifacio at ano ang makukuha nating aral patungkol sa kanyang kasaysayan na maaaring maisa-konteksto sa kasalukuyang panahon?
Tuwing Nobyembre 30 ay iginugunita natin ang kaarawan ng taong nagpasiklab ng rebolusyong Pilipino laban sa mga kastila; ang Supremo ng kilusang Kataas-taasang, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng bayan; at ang kinikilala bilang Ama ng Himagsikang Pilipino, na si Gat Andres Bonifacio. Ipinanganak siya sa Tondo, Manila at panganay sa anim na magkakapatid. Kahit na salat sa yaman at hindi nakapag-aral , siya naman ay nakapagbasa ng mga libro katulad ng dalawang nobela ni Rizal, Les Miserables ni Victor Hugo, International Law, at libro patungkol sa French Revolution. Kaya naman na kahit na walang pormal na edukasyon, siya ay nagsikap para maging edukadong tao.
Kasama si Gat Andres na nagtatag ng isang kilusan laban sa mga kastila noong ipadampot si Rizal at ipinatapon sa Dapitan. Ang kilusan nga na ito ay tinawag na Kataastaasan, Kagalang-galang na Katipunan nang manga Anak nang Bayan o ang Katipunan. Sumiklab ang himagsikan noong pinangunahan ni Bonifacio ang pagpunit sa kanilang mga cedula noong Agosto 22, 1986 na tinawag nga itong “Cry of Pugadlawin”, at dito na rin nagsimula ang iba pang pagaalsa sa ilalim ng Katipunan sa iba’t ibang parte ng pulo.
Ngunit naging masalimuot ang pagkakataon para sa ating unang pangulo. Nagkaroon ng dalawang pangkat ang Katipunan sa Cavite na kinabibilangan ni Emilio Aguinaldo, ang Magdalo, at ang Magdiwang na kinabibilangan ni Andres Bonifacio. Dito rin ginanap ang Kapulungan sa Tejeros na si Emilio Aguinaldo ang itinanghal bilang presidente ng bagong gobyerno. Dahil sa insulto na binitiwan ni Daniel Tirona sa posisyon na nakuha ni Andres Bonifacio sa pagpupulong, idineklara ni Bonifacio ang kapulungan na walang bias. Dahil nga sa iniasta ni Bonifacio sa pagpupulong at hindi pagkilala sa bagong gobyernong itinatag, idineklara siyang taksil , kasama ang kanyang kapatid na si Procopio Bonifacio at sila ay hinatulan ng bitay. Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan kung saan nakalagi ang mga labi ni Andres at Procopio.
Uulitin ang tanong, sa paanong paraan nga ba dapat natin inaalala si Andres Bonifacio?
Hindi lamang dapat natin inaalala si Andres Bonifacio bilang isang matapang at magiting na bayani, siya ay dapat na alalahanin at pagsasapuso ng ideya ng pag-ahon sa kabila ng mga pagsubok sa buhay at pagsisikap na makamit ang ninanais para sa sarili at sa bayan. Inaalala natin si Andres Bonifacio sa pag laban sa mga mapang-abuso at bulok na sistema na ang layunin lamang ay pahirapan ang nakararami. Inaalala natin si Andres Bonifacio upang hamunin ang status-quo na sa kasalukuyan ay pinapatnubayan ng mga naghaharing-uri. Inaalala natin si Andres Bonifacio upang itanim sa atin na ang papatay sa Pilipino ay ang kapwa niya Pilipino — pagkakamaling dapat na magbigay aral sa atin.
Ang itinuturo sa atin ng kasaysayan ng ating mga bayani ay ang pagkakaroon ng progresibong pananaw sa ating lipunan ay hindi krimen at ang patuloy na kolektibong pagkilos patungo rito ay hindi dapat na matapos, at kailanman ay hindi matatapos hangga’t ang mga nasa laylayan ay walang boses sa lipunan.
Si Andres Bonifacio, a-tapang a-tao
a-pinutol a-kamay, hindi a-takbo
a-binulag a-mata, hindi a-takbo
a-tinakpan a-tenga, hindi a-takbo
a-pinilay a-paa, hindi a-takbo
a-putol a-uten, a-takbo atulin