Asal diktador na Comelec ay bunga ng ipinunlang sistema ni Duterte
Akda ni Erika Martinez | Inilatag ni Alexa Agaloos
Sipat sa kasaysayan at sa dungis ng mga nagdaang Pambansang Halalan ang pandaraya ng mga papet na politikong uhaw sa kapangyarihan. Tila isang sirkus na sistema ng politika ang mayroon sa kabansaan na nagbunga sa upos na tiwala ng sambayanan.
Dahil dito ay iniluwal ang masang mulat upang magbantay at magtiyak hinggil sa pagkilos ng komisyon ng eleksyon hanggang sa kasalukuyan. Subalit duwag sa ganitong atensyon ang mga nasa komisyon na tila may tinatagong anomalya sa likod ng bawat kilos. Mula roon, sukling pagbabanta at asal diktador ang iniabot sa masa na salamin sa sistemang ipinunla ng pasistang pangulo.
Matatandaang noong ika-22 ng Abril, umugong ang kontrobersyal na pahayag ni Commissioner Rey Bulay matapos niyang i-red tag ang mamamayang nagsasabuhay ng kanilang kalayaan na magpahayag ng saloobin tungkol sa katayuan at pagkilos ng kasalukuyang Comelec — na ang komisyon ay may pinapanigan at may ambang pandaraya sa halalan.
Walang habas na binantaan ni Bulay ang sino mang magkuwestiyon sa Comelec o manggulo sa resulta ng eleksyon na papatulan, ipapahuli, at ipapakulong sila sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Dagdag pa, sa isinagawang panayam ni Bulay kasama si Karen Davila sa ANC Headstart, walang pagkabahala niyang binitiwan ang salitang ‘dadamputin’ ang sino mang manggulo sa eleksyon habang malinaw na ilegal ang pag-aresto sa mga indibidwal ng walang warrant of arrest at tanging hukom lamang ang makakapagbigay nito.
Bigyang pansin din na si Bulay ay dating piskal subalit hindi niya kinikilala ang karapatang pantao, saad ng batas, at legal na proseso. Ang kaniyang ipinakitang ugali ay lantarang pagsisiwalat na siya ay tulad ng mga tuta ng administrasyon na abusado sa taglay na kapangyarihan, hindi pinangangatawanan ang tunay na responsibilidad, at pananakot ang itinuturing na solusyon sa mga bagay.
Malinaw na ang umaalingasaw na asal ni Bulay ay repleksyon ng itinanim at pinaigting ng pangulong nagtalaga sa kaniya bilang komisyoner. Si Duterte na mukha ng red tagging, tiranya, at impyunidad sa Pilipinas. Ang pasistang lider na kabilang sa mga nagsilang sa kulturang pangdadampot, kalupitan, karahasan, at pagpaslang. Iminamandila ang istratehiyang pananakot at pagbubusal sa bibig ng kaniyang mga kritiko. Maging ang pagpapalayaw ng pangulo sa kaniyang mga inanak na tuta gaya ng kaniyang militar at NTF-ELCAC na magpaulan ng red tagging na ikinakabit din sa mga tumatakbong partylist sa paparating na halalan na sumasandig lamang sa interes ng masa — ang Makabayan bloc: Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers (ACT), at Gabriela.
Dahas at panggigipit sa gitna ng patong-patong na krisis ang inihahain ng rehimeng Duterte at ang kaniyang mga alipores gaya ni Bulay. Manipestasyon na dinadaan sa pananakot upang patahimikin ang masang mulat dahil sila ay nasisindak sa kolektibong pagkilos ng mamamayan. Nakaukit sa kasaysayan na ang paghihimagsik ng mga Pilipino ay kayang-kaya magpatumba ng isang diktador at magpalayas ng pamilyang magnanakaw sa palasyo kung kaya’t ang takot ng kasalukuyang administrasyon ay ibinabalot sa kamay na bakal upang kontrolin ang mga Pilipino.
Makikita rin ang taktika ni Duterte na itinalaga sa Comelec ang mga indibidwal na humahalik sa kaniyang paa upang kontrolin ang Pambansang Halalan ngayong taon — ang ambang palitawin ang tambalang Marcos-Duterte sa susunod na administrasyon. Maging ang pamamalakad ng Comelec ay may pagka-awtoritaryan na ipinamana ni Duterte. Kaya ang katigasan ng mukha ni Bulay ay tunay na nananalaytay sa kaniyang dugo dulot sa kaniyang pagsandig sa macho-pyudal na pangulo.
Bigyang pansin na lamang ang walang kamatayang paninindigan ni Bulay sa panayam kasama si Karen Davila na wala umano siyang dapat bawiin sa kaniyang pahayag kahit na bumabaluktot ang kaniyang mga sagot. Isa sa pinag iinitan ng kaniyang dugo ay di-umano pagbabaliktad ng midya sa kaniyang sinambit na pahayag na pilit niyang itinatanggi na wala siyang binaggit na ‘threat’ at ‘critic’. Tunay nga namang hinid direktang sinambit ang mga salitang ito sa kaniyang litanya subalit ito ang pinaparating ng buong konteksto kung kaya’t siya ay binabatikos.
Subalit walang kapaguran pa rin si Bulay sa pagtanggi na hindi raw ‘public opinion’ ng masa o mga kritiko ang kaniyang pinararatangan ng ‘warning’, dahil paniniwala niya ang kaniyang tinutukoy ay ang mga magbabalak na maglatag ng dahas sa resulta ng eleksyon, partikular na ang mga binabantayan na hotspots na tinutukoy ng Comelec. Malinaw na taliwas ito sa kaniyang bantang, “Iyon pong nagko-comment ng public opinion na ang Comelec ay may sina-side-an, may kinakampihan, at mandadaya, ako po ay nagwawarning sa inyo.”
Ayon kay Bulay, saan nga ba raw nakakita na ang mga kritiko ay ipinapakulong dahil mariing imposible raw iyon. Subalit sa ipinagdukdukan ni Duterte na sistema sa bansa, ang lahat ng naghahayag ng kritisismo laban sa kaniya at sa kaniyang pamamahala ay pinapatahimik. Mapa politiko, mamamahayag, ordinaryong masa, at pambansang minorya ay walang kaligtaasan sa bayang tinubuan. Dahil ang nakapunlang sumpa sa sariling kalupaan ay ang walang katiyakan sa buhay ng bawat indibidwal.
Isang malaking kahibangan ang pananaw ni Bulay gaya ng siya ay isang malaking halimbawa rin ng payaso sa sirkus na politka. Walang mali sa paglalatag ng kritisismo dahil ito ay kabahagi ng demokratikong karapatan ng mga Pilipino subalit pilit na ginigipit ito ng mga gaya ni Bulay gamit ang diktaduryang tono. Ang kamalian ay nasa panig ni Bulay, sa kaniyang personal na pagbabanta na bitbit ng buong imahe ng Comelec na sila ay mapagmataas at mistulang dumudulog sa ilegal na pagpapaaresto na hindi naman kabilang sa kanilang pinanghahawakan na responsibilidad.
Kasapakat ng pagbabanta ni Bulay ang kaniyang mga kasamahang komisyoner na si Socorro Inting at Aimee Ferolino na pawang itinalaga rin ni Duterte, ay nagsaad na hindi raw kinakailangan na sabihan ang komisyon na maging nonpartisan dahil ito raw ay nagpapakita ng kawalan ng tiwala sa kanila, matapos itong hilingin ng Asian Institute of Management Alumni for Leni sa Comelec.
Kung pakakaisipin, sadyang hindi katiwala-tiwala ang Comelec dahil dinidikta ng ating kasaysayan ang mga pandarayang naganap sa mga dating eleksyon gaya ng pandaraya noong diktaduryang Marcos at ang ‘Hello, Garci’ scandal ni Gloria Macapagal-Arroyo. Karugtong pa nito ang patong-patong na isyung kinakaharap ng komisyon sa kasalukuyan — ilan sa mga ito ay ang problema sa kanilang precinct finder, kawalan pa rin ng transparency server, di-umanong pre-shaded ballots sa Singapore, walang pangalan ni Leni Robredo sa balota sa New Zealand, palpak na mga debate na hinayaan na lamang hindi siputin ng anak ng diktador at anak ng pasistang pangulo, at maging hindi umano pagpapasok ng mga witness upang bantayan ang printing ng 70% na balota.
Walang pinaghuhugutan ang Comelec na matibay na batayan kung bakit dapat silang pagkatiwaalan. Kaya nagsipagbunga rin ng maraming poll watch dogs gaya ng Kontra Daya at AES sa kadahilanang hindi sapat na pagkatiwalaan ang komisyon. Karagdagan pa rito ay hindi nila rapat tinutunggali ang masa sa bawat kumpas ng saloobin at paghiling na wala rapat panigan dahil responsibilidad ng komisyon na makuha ang tiwala ng sambayanan. Maging karapatan at kalayaan ng mamamayan na magbitiw ng salita at magtiyak na walang anomalyang uusbong sa nalalapit na halalan.
Kabahagi nito na hindi bago sa komisyon ang paghawak sa proseso ng eleksyon subalit mistulang nasa roletang patuloy nilang pinapagulong ang mga problemang naglilitawan. Laking kaduda-duda ang ganitong pagkilos ng Comelec na maging sariling responsibilidad nila ay hindi nila kinikila. Ang relasyong binubuo rapat ng komisyon at ng publiko ay inaasahang magbubunga ng pagtitiwala. Kung naniniwala ang komisyon, partikular na si Bulay na karapatan ng bawat indibidwal na magsabi ng opinyon gaya ng sagot niya kay Karen Davila, bakit asal diktador at anti mamamayan ang iminumungkahing pagkilos?
Samakatuwid, ang pagsugal sa pagbibigay ng tiwala sa Comelec ngayon ay lubhang malabo pa sa pinaggamitang langis dahil astang Marcos-Duterte ang nangangasiwa ng eleksyon. Gayundin na ang ipinunlang bulok na sistema ng administrasyong Duterte ang siyang nagsilang sa nakamumuhing pamamalakad ng Comelec sa kasalukuyan. Silang nagsama-samang alipores ay nasisindak sa tindig at tinig ng masa kung kaya’t idinadaan sa pangdadahas ang kalagayan.
Hudyat na paalala ito na huwag makukuntento sa paparating na Pambansang Halalan dahil ang nagsasagawa ng proseso sa eleksyon ay tiyak na kahina-hinala na kalahi ng macho-pasistang lider. Silang mga awtoridad sa loob ng komisyon ay astang mapagmataas na patuloy na nakikipagbanggan sa panawagan ng masa at niyuyurakan ang karapatang pantao.
Kaya sa ika-9 ng Mayo, ang susi sa pagkamit ng hangaring malinis at tapat na halalan ay ang kolektibong pagtitiyak ng masa, bitbit ang kapangyarihang sila ay lagi’t laging magpapasya. Tuligsain ang asal diktador na Comelec at pigilan ang tambalang Marcos-Duterte sa nalalapit na Pambansang Halalan. Huwag magpapalinlang sa kung ano mang sapitin ng resulta sa buwan ng Mayo dahil masa ang palaging makikipagbaka at magpapatuloy sa paghalukay sa nakabaong sistemang tiranya at impyunidad. Prayoridad na panawagan, kontra daya sa kasagsagan ng halalan.