Akda ni Majo | Inilatag ni Jio
Pagmulat ng aking mata bumungad sa akin ang “Lugaw! Lugaw! Lugaw!” na mga kataga. Mula ito sa labas, sa isang bata. Hindi ko mapigilang mainis ngunit mas tumimbang ang lungkot at pagkatakot. Hindi niya siguro alam, na ang binabansagang lugaw ang naging simbolo ng pag-asa ng marami. Simbolo ng pag-asa para sa magandang kinabukasan, lalo na ng isang batang tulad niya.
Nakakalungkot dahil iba ang naitatak sa kanilang isipan, at lalong nakakalungkot na kung iisipin mula ito sa kanilang mga magulang. Tayo ang dehado rito, Pilipino ang talo. Pero kung sino pa ang dehado, sila pa ang nagpupunyagi, sila pa ang tumatawa, sila pa ang nanlalait.
Nakakatakot. Ano na lang ang mangyayari sa atin? Paulit-ulit kong hinihiling na ako ay mali dahil natatakot ako sa hinaharap na naghihintay sa akin. At lalong nakakatakot, dahil kung sino pa ang nagtataguyod at nagpapaaral sa mga kabataang ito, sila pa ang nagtuturo ng kamalian dito.
Natatakot ako para sa mga kabataan, natatakot ako sa kanilang kalalakihan. At lalo akong natatakot para sa mga tumitindig sa katotohanan. Silang nagbuhos ng oras, at oo, abanado pa po. Silang hindi ito naging alintana, para isulong ang gobyernong tapat, kung saan angat ang buhay ng lahat. Silang pagod, pero ayos lang, para naman ito sa lahat ng mamamayan.
Ano na ang mangyayari sa kanilang nanindigan? Kung mananaig ang kadiliman, patatahimikin na ba sila ngayon?
Isa ako sa mga nagboluntaryo upang maging poll watcher. Upang magmasid at masigurong malinis ngayon ang eleksyon. At oo, marami akong nakita. Nakita ko ang pagtitiyaga ng mga guro, kasabay ng init at ng pagod na patuloy na nagseserbisyo — silang ibinibigay ang lahat ng lakas para sa bayan. Silang hinarap ang kaliwa’t kanan na aberya, at ang mga botanteng inaaway pa sila dahil lang hindi makapaghintay gayong ang daming naging problema.
Nasaksihan ko ang sipag at tiyaga ng mga volunteers, silang nagtitimpi sa mga reklamong kinahaharap sa bagal ng usad, silang handang tumulong at mag asikaso para lang tayo’y matiwasay na makaboto. Sila ay hindi bayad, pero pinilit na maitawid ang eleksyon ng matiwasay.
Nasaksihan ko rin ang mga botante, ang kaba at hindi na makapaghintay na ekspresyon sa kanilang mga kilos at mukha. Alam kong sila’y umaasa na sa pagboto ay masisigurado ang panibagong umaga. Silang mga naghintay sa pila at silang mga isinakripisyo rin ang oras para maihalal ang karapat dapat.
Ngunit hindi lang ‘yan ang nasaksihan ko.
Nasaksihan ko ang palpak na mga vote counting machines. Nasaksihan ko ang problema sa hindi pagpasok ng mga balota. Nasaksihan ko ang mga naiwan pa sa mga paaralan dahil naghihintay pa sa mga SDcards. Nasaksihan ko ang grupo ng mga botanteng nag-uusap at nagsasabing tiba-tiba sila. Nasaksihan ko ang pagkadismaya ng mga guro, ng mga volunteer, ng mga watchers nang malaman ang mga naging resulta — ang pag angat ng porsyento ng pumapasok na boto sa mga kandidato gayong ang daming pumalpak na machines. Nasaksihan at naramdaman ko ang pag-iba ng emosyon sa atmospera sa apat na sulok ng silid-aralan. Nasaksihan at naramdaman ko ang pagod na naging pagkalito, na naging lungkot, na naging takot, at naging galit.
Nakakagalit. Nang dahil sa mali at pekeng impormasyon, sa binabagong kasaysayan, sa paggamit ng makinarya para tao ay malinlang, at sa pagkakaroon ng tanyag na pamilya na nakilala dahil sa ilang taon na pagdurusa — mamamayan ay napaniwala.
Pilipino na naman ang talo. Pilipino na naman ang naloko. Dahil sa kanilang mga binayaran ang boto, marami ang nauto at nakumbinsi na sa pagbabalik ng isang anak ng diktador, giginhawa na muli ang buhay — katulad na lamang noong “Golden Age”. Nakakagalit.
Lubos akong nagagalit dahil tayo na naman ang dinaig. Balewala ang hirap, pagod, at patiyatiyaga na dinanas kung mga trapo rin naman pala ang uupo sa pwesto — pwestong karamihan ay hindi naman kwalipikado. Respect my opinion po, pero yung mga inilatag na katotohanan ay hindi nirespeto. Nakakagalit.
Ilang beses lumiban sa mga debate at sa mga interview. Platapormang inilatag ay mga pangako ngunit wala namang sinabi kung paano ito gagawin at walang malinaw na hakbang o plano. Ang iba ay sumayaw, kumanta, idinaan sa pera-pera — ika nga it’s wonderful tonight, wonderful talaga dahil ginamit ang pangalan para manalo, pero ang resibo ay blanko. Nakakagalit.
Nakakapanlumo, nakakainis, nakakatakot, at nakakagalit. Iyan ang halo-halong emosyon ko. Hindi na lamang ito laban para sa aking kandidato, kailanman ay hindi naman talaga gano’n. Nilaban ko ito para sa Pilipino. Marami ang lumaban para sa bayan, nagsakripisyo, abonado, maraming itinaya ang sariling pangalan, matulungan lamang ang taumbayan.
Ngunit sa kabila nito ay mapapaisip rin na hindi sayang ang lahat. Hindi nasayang ang pagod. Hindi nasayang ang pagkuda. Hindi nasayang ang ginawang paglaban. Lalong hindi sayang ang magtiwala at umasa. Dahil hangga’t may pag-asa, kailanman ay hindi mamamatay ang pag-alab ng pagmamahal sa inang bayan. Hangga’t may pag-asa ay hindi matitigil ang pagpuna, ang pag-unawa, na higit tayong kailangan ng tinubuang lupa, higit tayong kailangan ng mga mamamayan.
ANG MGA MULAT AY HINDI NA MULING PIPIKIT PA!
TITINDIG AT LALABAN PARA SA BAYAN.