Akda ni Kian Dalupere | Inilatag ni Shamica De Mapue
Makapangyarihan, progresibo, at may paninindigan. Ganiyan kung ilalarawan ang makabagong kabataan — ang tinaguriang pag-asa ng bayan.
Ngayong papalapit na ang eleksyon, naglipana ang mga kampanya para sa mga tumatakbong kandidato. Kampanya rito, endorso roon. Hindi alintana ang mainit at pabago-bagong takbo ng panahon, walang pag-aatubiling pinaglalaban at sinisigaw ng masa ang kanilang mga hinaing at panawagan sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga paradang inilalatag ng mga kandidato sa mga lansangan sa bayan. Ang karamihan sa mga kampanya ay inoorganisa at pinangungunahan ng mga kabataan at mga progresibong grupo.
Anuman ang kulay ng isang kandidato — asul, rosas, pula at berde — ang lahat ay sinisigurong maisasakatuparan ang kanilang mga pangako. Ang kanilang parte na siyang magdidikta hindi lamang ng kapalaran ng bansa at mamamayan nito, kung hindi pati na rin ng kapalaran ng bayan sa mga susunod pang henerasyon.
Gayunpaman, hindi lahat ay positibo ang pananaw sa mga ganitong uri ng pagkilos ng masa sa lipunan, lalo na sa mga kabataan. Matatandaan noong ika-10 ng Marso, nagbigay-kumento ang kasalukuyang senador at ngayon ay tumatakbo sa pagkapangulong si Panfilo “Ping” Lacson hinggil sa makasaysayang kampanya ng katunggali nitong si Bise Presidente Leni Robredo sa Cavite na siyang sinasabing dinaluhan ng 47,000 katao. Ayon sa senador, ang naganap na kampanya ay napasok diumano ng mga miyembro ng NPA o New People’s Army. Aniya, marapat na mag-ingat ang mga tao sa pagdalo sa mga ganitong uri ng pagkilos na kung saan “lumalahok” pati ang mga terorista. Dagdag pa niya, ang pakikilahok sa mga ganitong paggalaw ay maaaring makapagpadawit sa kanila, na ayon sa kaniya ay mayroong karampatang parusa.
Malinaw mula sa kaniyang pahayag ang panre-red-tag nito sa mga dumalo sa kampanya para sa Bise Presidente na ang karamihan ay kabataan. Makikita mula rito kung gaano kalala at katindi ang nakakikilabot at kaliwa’t kanang panre-red-tag ng mga pasista sa mga mamamayan nito, lalo at higit sa mga kabataan, estudyante, at aktibista. Ang mga ganitong uri ng pahayag ay repleksyon ng dungis ng sistema.
Mabigat na paratang ang red-tagging, at ito ay hindi marapat na basta-bastang gawin sa isang tao lalo na kung wala naman itong sapat na batayan. Hindi makatarungan ang panre-red-tag sa mga taong walang ibang ginagawa kung hindi ang ituwid ang baluktot na sistema, bigyang-saklolo ang mga nasa laylayan, isaboses ang mga hinaing ng bayan, at higit sa lahat, ipaglaban ang karapatan ng bawat isa na ayon sa saligang batas ay legal at karapatan ng bawat isa sa bansa.
Ayon sa dating representante ng Bayan Muna party-list na si Teddy Casiño noong 2020, humigit-kumulang 2,800 katao na ang biktima sa ilalim ng “kampanya kontra-pula” ng kasalukuyang administrasyon. 300 sa kanila ay ang mga aktibista at sibilyang napatay na, samantalang ang natitirang 2,500 naman ay ang mga walang habas na iligal na ikinulong ng estado. Ang mga ganitong uri ng maling praktika ang patuloy na nag-uudyok sa masa upang tumaliwas sa mapanupil na nabubulok na sistema ng pamahalaan. Itong klase ng pamamasista ang dahilan kung bakit patuloy na namamayagpag ang galit at katapangan sa puso ng mga kabataan. Ito ang nagpapamulat sa kanila sa tunay at masalimuot na katotohanan ng buhay. Ito ang dahilan kung bakit hindi tumitigil ang kabataan sa pagkilos. Isa ito sa mga dahilan ng pagpapatuloy ng rebolusyon.
Ang rebolusyong lubos na makapangyarihang tatapos sa paghihirap ng mga naghihikahos, at tunay na malakas upang pakawalan ang mga taong patuloy pa ring nakagapos. Ngunit sa kasamaang palad, hindi nila ito nakikita sa ganoong perspektibo. Bagkus, kabaliktaran pa nga ang kanilang pagtingin dito. Kayang-kayang bumuo ng mga kabataan ng isang matiwasay na pamayanan para sa Inang Bayan, ngunit ang masaklap ay tila hindi sila pinagkakatiwalaan, sa halip, sila pa ay pinaparusahan kahit na wala naman silang kasalanan.
“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”. Iyan ang mga salitang sumisimbolo sa kabataan sa pagdaan ng panahon. Iyan ang naging batayan at sandigan ng lipunan sa paglipas ng henerasyon. Ngunit kung ang kabataan nga talaga ang pag-asa ng bayan, bakit tila pilit silang pinapahirapan? Bakit ganoon na lamang kung sila ay balewalain? Bakit sila tinatanggalan ng karapatan nang makailang beses? Bakit lantaran ang pagpapatahimik sa kanilang mga boses? Bakit walang-tigil ang estado sa pagtatapal sa kanilang mga labi? Bakit ang iba ay umuuwi na sa kanilang tahanan bilang isa nang malamig na labi? Nakadidismaya. Nakapanlulumo. Nakagagalit.
Ngayong maraming kabataan na ang ganap nang botante, wari ay mulat na sila sa mga naging karanasan ng mga taong nasa laylayan na ang mga pangangailangan hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin napupunan. Ang pamantayan nila sa kanilang iboboto ay hindi nararapat ituon sa kung anong wika ang tinatalastas ng isang kandidato, kung ano ang karakter na ipinapakita nito sa midya, at kung gaano ito kahuwad sa ngalan ng kapangyarihan. Ngayong mulat na ang mga kabataan, sila ay aasa at kakapit sa isang lider na may plataporma, sapat na karanasan, may dangal, may respeto sa mamamayan, at may pusong tapat upang pamunuan ang isang bansa.
Ikintil sa pag-iisip ng masa na hindi lamang isang simpleng pagpapanggap ang dapat nilang matanggap sa kanilang pinuno, kung hindi isang mabuti at maayos na pamamahala na may mata upang makita ang malubhang kalagayan ng kaniyang nasasakupan, may tainga upang makinig sa mga panawagan, may ilong upang maamoy ang nabubulok na nakagawiang sistema sa pamahahala, may labi upang magbigay ng solusyon sa mga krisis, at higit sa lahat, may puso upang waksihin sa kalmado at tamang pamamaraan ang problemang kinakaharap ng lipunan at hindi lamang isang nakadidismayang pagmumura mula sa lider ng bayan.
Hindi rito natatapos ang laban. Sa pagtatapos ng halalan, boses pa rin ng kabataan ang masiklab at makapangyarihan. Ang pagtindig, pakikiisa, at ang pagtangan ng sandata laban sa karahasan ang mas makapangyarihan at tunay na makapagpapalaya sa bayan. Ang rebolusyon ang liwanag sa dilim. Ito ang makakapagpabagsak sa imperyalismo, kapitalismo, neoliberalismo, at pasismo na siyang labis na pahirap sa mga tao. Malakas ang kabataan, marahas ang pakikidigma, ngunit pakatatandaan na mas marahas ang mga dahilan nito.