liham ng mga paalala

2minDig
2 min readMay 3, 2022

--

Akda ni Erika Martinez | Inilatag ni Justin Francisco

paalala ko lang sa estado,
na may mababaw na tingin sa tao
lagi’t lagi kami sa masa
ipaglalaban ng mga alagad ng midya

paalala ko lang sa estado,
ang tunay na serbisyo namin sa tao
bakit niyo pinapakialaman ang kalayaan?
kalayaang maging boses ng mamamayan

paalala ko lang sa estado,
na yinuyurakan ang karapatang pantao
malayang pamamahayag ang aming isinusulong
bakit pangbubusal ng bibig ang pinapagulong?

paalala ko lang sa estado,
na may paninindak sa kanilang tono
lagi’t lagi kaming binabakuran
katiyakan ng buhay ay walang kasiguraduhan

paalala ko lang sa estado,
na nagbabanta sa may hawak ng mikropono
katotohanan ay aming isinisiwalat
duwag kayo sa aming mga tapat

paalala ko lang sa estado,
inang bansa ay kabilang sa pinakadelikado
kagagawan ng madaragit na pinuno’t
alagad ng midya ay laging binubunot

paalala ko lang sa estado,
mga atakeng inyong pinapaulanan dito
pinapayungan ang aming sarili sa karahasan
umusbong ang pandaigdigang selebrasyon dahil sa inyong kahangalan

paalala ko lang sa estado,
na national press freedom day pa ang gusto
kalokohan ang pinirmahang pagdiriwang sa agosto
tunay na mahihiya pa sa si marcelo

paalala ko lang sa estado,
partikular sa nakaupong pangulo
hindi iyan epektibong kabayaran
kami ang hihingi ng tubos sa inyong kasalanan

paalala ko lang sa estado,
pakatandaan ang mga paalalang ito
hinding hindi kami makakalimot
sa dungis na ipininta niyo’t poot

huling paalala sa estado,
patuloy kaming susulong para sa tao
para sa malayang pamamahayag
at para magpatalsik ng mga bulok na bayag

--

--

2minDig
2minDig

Written by 2minDig

Tumitingin, Tumutugon, Tumitindig!

No responses yet