Akda ni Erika Martinez | Inilatag ni Kristelle Gaylon
Noong bata ako, ang bahay nami’y malapit sa dalampasigan. Kaya naman dapit hapon, madalas akong naglalaro sa buhanginan at nakikipaghabulan sa hampas ng alon. Ngunit kalaunan ay hindi na ako pinayagan ng lola ko pumunta sa dagat dahil nababalot ito ng kababalaghan. Tanong ko, “Lola, ano bang meron sa dagat?” — sambit niya ay may naninirahang mga siyokoy sa ilalim nito at tuwing nalalapit ang takipsilim ay dumarayo sila sa baybaying dagat upang maghanap ng biktima.
Ang siyokoy raw ay kabilang sa hanay ng mga bantay tubig. Sila ang lalaking katapat ng mga sirena, subalit mas malapit sa isda ang kanilang kaanyuan kaysa sa tao. Sabi pa ni lola, nakapangingilabot ang kanilang itsura — nababalot ng kulay berdeng kaliskis ang kanilang mga katawan at mayroon din silang mga palikpik. Itinuturing na bangungot sa katubigan sapagkat sila ay mandaragit na kumakain ng tao.
Kwento pa niya sa akin, noong siya’y dalagita, pumutok ang balita ng isang mangingisdang nalunod habang ito’y naglalayag sa dagat. Sabi sa kanilang baryo, naka-engkwentro raw ito ng siyokoy at nilunod ito. Kaya magmula noon, naging mailap na ang mga tao sa dagat na malapit sa aming bahay. Dahil ang lahat ng trahedya rito ay kagagawan ng mga agresibong siyokoy. Sinusuong ang dagat kasama ang mga kinatatakutang hayop gaya ng pugita.
Umukit sa aking murang kaisipan ang kwento ni lola. Simula nang kaniyang isinalaysay ang mga kahindik-hindik na kwento sa katubigan ay may takot na akong maglaro sa tabing dagat. Mas pinili ko nang manatili sa kalupaan dahil mas masisiguro ang aking kaligtasan dito.
Subalit habang ako ay tumatanda, kinekwestiyon ko na sa aking kaisipan ang kwento ni lola. Oo, likas sa mga Pilipino ang kwentong mitolohiya. Gamit na gamit din bilang kasangkapan sa pananakot ng mga bata para sila’y umiwas sa peligro. At sa aking kalagayan noong bata, napagtanto ko na inilayo ako sa dagat gamit ang kwentong siyokoy para makaiwas sa mga maaaring trahedya na may kinalaman sa katubigan.
Ngunit sa kasalukuyan, mukhang totoo nga ang siyokoy. Wala nga lang sa katubigan dahil narito siya’t naghahari-harian sa kalupaan. Kasama ang mga alagad niyang pugita na binihasan pa niya ng unipormeng asul. Sila ay naghahasik ng lagim na walang habas sa pagkitil ng mga inosenteng buhay. Hindi sila lumalangoy sapagkat tumatapak sila ng tao at karapatang pantao. Ninanakaw nila ang mga boses na ang panawagan ay katarungan at kapayapaan. Kaya hindi sila kabilang sa bantay tubig, dahil bantay nila ang kalupaan sa ilalim ng kanilang mapang-abusong kapangyarihan. Busog na busog sa kanilang mga biktima at patuloy pang naghahanap ng madadakma.
Kaya mali ang kwento ni lola, wala sa katubigan ang bangungot at peligro dahil nasa ibabaw ng daigdig ang mga mandaragit. Nasaan na ang kaligtasan sa kalupaan kung may siyokoy na nagmamatyag sa bawat galaw?
Subalit sigurado ako sa isang bagay — hindi na magiging tulad ng kwento ni lola ang sitwasyon ngayon. Hindi na magiging mailap ang tao dahil sa panganib na bitbit ng agresibong siyokoy. Ang tao na ang susuong sa kalupaan bitbit ang mga karapatang pinanghahawakan. Walang puwang ang mga siyokoy at pugita na sakupin at maghari-harian sa hindi nila teritoryo. Dahil likas sa masang Pilipino ang lumaban at puksain ang lagim ng kababalaghan na bumabalot sa ginigipit na bayan.