Mini minimo, piliin mo naman ako

2minDig
3 min readMay 6, 2022

--

Akda ni Cathelyde Ann dela Torre | Inilatag ni Gab Campos

Mini mini minimo, sino kaya sa sampu ang pipiliin ko? Sa siyam na lalaki at nag-iisang babae, sino kaya ang karapat-dapat kong piliin? Sino kaya sa kanila ang handang magbigay sa akin ng tunay at dalisay na pagmamahal?

Paulit-ulit na rin kasi akong nasaktan noon, tila sugat-sugat na ang aking puso sa mga naranasang pagkabigo dahil sa pag-ibig. Ilang beses na akong nagtiwala noon, ilang beses din akong nasaktan. Hindi pa ako kailanman nagtagumpay sa taong aking pinili, dahil lahat sila ay pinasaya lamang ako sa una — pinangakuan, dinala sa isang date at ipinakilala sa pamilya.

Ngunit, tunay naman talagang sa una lang matamis ang pagsasama dahil kinalaunan ay iniwan niya rin ako, at sumama siya sa iba — sa mas maputi, may dugong banyaga, at makapangyarihan ngunit ang yaman ay galing sa kasamaan, mula sa pang-aapi sa ibang mas mababang uri. Dinala niya ako sa alapaap at bigla nalang binagsak sa putikan matapos akong makuha at mapakinabangan. Iniwan akong luhaan, sugatan at punong-puno ng poot at galit.

Ngayon ay may nagpapakita ulit sakin ng motibo. Napakahirap nang maniwala sa panahon ngayon, subalit napag-isip-isipan ko rin namang hindi masama ang magbigay ng isa na namang pagkakataon. Oo, marupok ako. Gayunpaman, ngayon ay mas pagbubutihan ko ang pagpili at susuriin ko muna sila isa-isa bago ko ibigay ang matamis kong oo.

Sa ganda kong ito, sampu ang aking nahalina. Ang pinakauna ay hindi ko type dahil lubhang mahal ang kaniyang simbahan at kaibigan ng mga mismong nanakit sa akin noon. Ngunit itong pangalawa ay binibigyan ako ng pag-asa, may puso siya para sa akin at tiyak na kaya niya akong ipaglaban. Ang pangatlo naman ay pogi pero saksakan ng yabang, at higit sa lahat, nang-iinsulto ng kababaihan. ‘Yung pang-apat naman ay mahinhin at mukha namang mabait, pero barkada ang pangatlo. Ito namang panlima, akala mo matapang ngunit isa ring kasama sa panglalait ng kababaihan.

Hindi ko masyadong kilala itong pang-anim kong manliligaw ngunit may ilan siyang pinaniniwalaang hindi tugma sa aking sariling paniniwala. Huwag na nating pag-usapan itong pampito, dahil hindi ko kakayaning magmahal ng isang taong kayang magnakaw at tumalikod sa responsibilidad. Ang pangwalo naman ay nuknukan ng daldal, palaging binabalikan ang nakaraan, at mali ang mga impormasyong alam. Itong pansiyam naman, nakakasakit ng damdamin ng iba sa sobrang pagkamadasalin, at marami pang dapat matutunan. Bukod sa pangalawa, ang pansampu ang pinakapinapakilig ako sa ngayon — nakikinig siya sa aking mga hinaing, paulit-ulit niyang sinasabing minamahal niya ako at ipinapakita niya iyon.

Sa aking mga kasalukuyang manliligaw ngayon, dalawa pa lamang ang natitiyak kong magbibigay sa akin ng liwanag. Konting araw nalang ang natitira para sa aking pagdedesisyon kaya’t susulitin ko ito sa pagkilala pa sa kanila nang husto. Nawa’y ang mabibigyan ko ng aking matamis na oo ay isang taong karapat-dapat at kaya akong pakinggan, ipagtanggol, at kayang makiisa sa aking mga hangarin.

Oo nga pala, nakalimutan kong magpakilala. Ako ito, ang Pilipinas.

--

--

2minDig
2minDig

Written by 2minDig

Tumitingin, Tumutugon, Tumitindig!

No responses yet