Nagbabagang Fake News sa Usaping Karapatang Pantao

2minDig
6 min readMar 24, 2022

--

Akda ni Erika Martinez | Inilatag ni Virg Magtira

Ang pagpasok ng tag-init sa Marso ay katumbas rin ng mainit na palitan sa debate ng mga tumatakbong kandidato sa pagkasenador.

Ika-2 ng Marso ngayong taon, ginanap ang SMNI Senatorial Debate sa Okada Manila. Naging maingay ang programa matapos ang katanungan ni Dr. Eleanor Cardona kung paano matutugunan ang problema patungkol sa kabataang ginagamit sa pag-akto sa mga krimen na nagsiklab ng mainit na debate sa pagitan ng sinuspindeng abogado na si Larry Gadon, abogado ng mga manggagawa na si Luke Espiritu, at ang dating spokesperson ni Duterte, Atty. Harry Roque ng kalaunang dumako ang usapin patungkol sa paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng diktadurang Marcos.

Mistulang naging samalamig sa mainit na panahon ang naganap na debate nang magtrending ito sa social media. Nagkaroon din ng tunggalian ang mga netizens kung sino nga ba ang tunay na ginisa o gaya ng Gen Z term na “na-burn” sa ginanap na programa. Maging nagkalat ang memes sa Facebook kung kaya’t ang kontrobersyal na usapin ay naging aliw din sa nakararami. Subalit hindi rapat napapako sa imaheng pang-engganyo ang naging tunggalian ng tatlong abogado dahil may mas mahalagang diskursong talakayin — ang pagtataas ng tunay na lagay ng mga paglabag sa karapatang pantao ng mga Marcos.

Gadon vs Espiritu: Rekord ng Paglabag sa Karapatang Pantao sa ilalim ng Diktador

Simula 2019, mainit na ang diskusyon sa panukalang pagbaba sa edad ng pananagutan na kung saan sa SMNI Senatorial Debate, tinalakay ang nasabing isyu. Ayon kay Atty. Luke Espiritu, siya ay kontra sa panukalang ito at kontra sa pagpaparusa sa mga magulang. Bagkus, ang kaniyang idiniin na daan sa pagkakaroon ng mabuting henerasyon ng kabataan ay nasa usaping edukasyon, na dapat ituro na masama ang extrajudicial killing, red-tagging, at si Ferdinand E. Marcos. dahil sa mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Resibo ni Espiritu ay batay sa tala ng paglabag sa karapatang pantao ng Amnesty International noong diktadurang Marcos, 3,257 na katao ang pinatay, 35, 000 ang labis na pinahirapan, 70,000 ang bilang ng mga ikinulong, at 77 ang mga desaparecidos o ang mga taong bigla na lang nawala. Ang mga kalupitang ito ay nakalap noong nagpadala ng misyon ang nasabing internasyonal na organisasyon sa Pilipinas noong 1971 at 1981.

Ngunit matatandaan sa panayam ni Boy Abunda kay Ferdinand Marcos Jr., wala umanong ideya ang anak ng diktador kung paano nabuo ang kabuuang datos matapos siyang tanungin kung kasinungalingan nga ba ang istatistika. Sa kabilang dako, ayon sa Amnesty International Philippines section director, Butch Olano, ang sino mang tao na walang alam kung paano nakalap ang datos ng paglabag sa karapatang pantao noong panahong batas militar ay lantarang itinatanggi ang tunay na kaganapan sa kasaysayan.

“We urge him to acknowledge the atrocities committed under martial law as written in our reports, condemn the actions of his father’s regime, show remorse and publicly apologize to the victims, their families and the entire nation,” dagdag ni Olano.

Subalit ika-7 ng Oktubre noong nakaraang taon, una nang iginiit ni Marcos Jr. na, “I can only apologize for myself, and I am willing to do that if I have done something wrong and if that neglect or that wrongdoing has been damaging to somebody,” sa The Source ng CNN Philippines matapos tanungin kung hihingi siya ng tawad sa mga ginawang kabuktutan ng diktador na ama.

Gadon vs Espiritu: “Asan ‘yung sinasabi nilang human rights violations na ‘yan?”

Sa ilalim ng Uniteam slate, hindi mawawala ang Marcos loyalist na si Atty. Larry Gadon na mahigpit na kinondena ang inilatag ni Espiritu na bilang ng mga paglabag sa karapatang pantao noong diktadurang Marcos mula sa Amnesty International.

Sa argumento ni Gadon, binanggit niya ang kaso noon sa Hawaii na ipinataw ng 10,000 martial law human rights victims upang makatanggap ng kabayaran mula sa mga Marcos. Ang kasong ito na kilala bilang Class Action No. MDL 840 ay ang kauna-unahang napagtagumpayan na kaso laban sa mga Marcos noong 1995. Mula rito, ang hatol ng korte sa Hawaii ay pagkalooban ng $2 billion ang mga biktima sa kanilang natamo na pinsala — at ito ay magmumula sa ari-arian ng mga Marcos sa Estados Unidos. Ang hatol na ito ay tinangkang iimplementa rin sa Pilipinas upang makamkam ang ari-arian ng mga Marcos sa bansa kung kaya’t naghain ng petisyon sa Regional Trial Court at Court of Appeals. Ang hirit ng suspendidong abogado, “walang naipresentang ebidesnya” sa korte ang mga biktima kaya ibinasura ang kaso sa bansa — ipinaparating niya na hindi totoo ang mga naging abuso noong batas militar. Subalit ang pawang katotohanan ay tinanggihan ng Korte ng Apela ang petisyon dahil walang hurisdiksyon ang korte ng Hawaii sa Pilipinas. Karagdagan dito, bigong napatunayan ng korte ng Hawaii na awtorisado ng ibang mga nasasakdal ang sampung Pilipino na nagsulong ng MDL 840.

Nasaan ang mga human rights violations noong panahon ng batas militar? Legal itong nakikita ng mga batas gaya ng mga sumusunod: Ang pagkilala ng korte ng Hawaii at ang pagpapatibay ng United States 9th Circuit Court of Appeals noong 1995; at pagkilala ng Korte Suprema ng Pilipinas noong 2003. Maging ang Republic Act №10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act na kinikilala ang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Marcos — ang batas na nagtayo ng Human Rights Victims’ Claims Board.

Roque vs Espiritu: Marcos Jr. walang kaso ng human rights violations sa Amerika?

Bumwelta ng pagtatanggol kay Marcos Jr. si Atty. Harry Roque, na kaisa rin sa ilalim ng UniTeam slate ni Marcos-Duterte tandem. Tugon ni Roque, “Kung ano man ang nangyari sa nakaraan, inisa-isa ko po ang records, wala pong kaso for human rights violation sa Amerika si Ferdinand Marcos Jr.” Pero muli, gaya ni Gadon, ito ay pag-iyak muli ng maling impormasyon.

Sa ilalim ng class suit na Class Action No. MDL 840 na unang sinambit ni Gadon sa debate, mahigpit na na pinagbabawalan sina Bongbong Marcos at Imelda Marcos na galawin ang kanilang mga ari-arian sa Estados Unidos na nakalaan para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong batas militar. Subalit ayon sa United States 9th Circuit Court of Appeals, nilabag ito ng mag-inang Marcos kung kaya’t nahaharap sila sa mahigit $350 milyon na multa. Mistulang mahilig talagang tumakbo si Marcos Jr., hindi lamang sa pagtakbo sa politika, maging ang pagtakbo sa mga debate at pagtakbo sa multa sa Amerika habang siya ang kasalukuyang manager ng mga ari-arian ng pamilyang Marcos.

Espiritu vs Roque vs Gadon: Aleluya!

Sa usaping karapatang pantao, kilala bilang dating human rights lawyer at kontra sa historical revisionism nina Juan Ponce Enrile at Bongbong Marcos noong taong 2018 si Harry Roque.

Ani pa ni Atty. Luke Espiritu kay Roque, “I know your history. You were anti-Marcos before. You were for human rights before… And now that you were given a senate spot, under the party of Bongbong Marcos, now you cry hallelujah and praise Marcos.”

#GlowDown si Roque dahil kaniyang tinalikuran ang pagtatanggol sa karapatang pantao ng mamamayan, hindi lamang ng mga biktima sa ilalim ng batas militar, bagkus, pati rin ng sandamakmak na paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte na siyang nanilbihan bilang tagapagsalita ng macho-pasistang pangulo. Mula roon, wala nang pagtataka kung bakit piniling magpakatuta sa tambalang Marcos-Duterte ngayong eleksyon.

Subalit si Roque at Gadon na magkatambal sa pagtatanggol sa mga Marcos noong debate, ay may naging argumento rin sa isa’t isa noong Disyembre ng nakaraang taon patungkol sa yumaong diktador na Marcos. Sambit ni Roque, nagkasala si Ferdinand E. Marcos sa mamamayang Pilipino na siyang tinutulan ng suspendidong abogado. Para kay Gadon, walang kasalanang nagawa ang diktador dahil ang pagdeklara ng batas militar ay daan sa “pagdepensa ng integridad at seguridad ng estado”. Habang depensa naman ni Roque, si Bongbong Marcos ay kailanman hindi maikakawing sa diktador na ama. Dalawang senador sa ilalim ng Uniteam slate, kaniya-kaniyang diskarte upang dumikit sa kawatan.

Panahon ay tag-init at ang tensyon sa paparating na eleksyon ay tumitindi. Ang mainit na sagutan sa SMNI Senatorial Debate ay hindi kulong sa usaping tunggalian lamang ng tatlong abogado, kundi ang lehitimong diskurso sa usaping karapatang pantao noong panahon ng batas militar ay nararapat na palitawin sa gitna ng bumubugsong maling impormasyon galing sa dalawang tumatakbong senador sa ilalim ng Uniteam slate at pagragasa ng mga kasinungalingan sa social media. Sa banta ng tambalang Marcos-Duterte sa nalalapit na pambansang halalan, nakasugal ang seguridad ng karapatang pantao ng mamamayang Pilipino. Kung kaya’t isulong ang karapatang pantao ng masa at itaas ang karapatang ninakaw sa mga biktima ng abuso at namartir. Walang Marcos-Duterte ang makauupo sa palasyo habang ang mga Pilipino ay susuungin ang nagliliyab na daan upang ipaglaban ang lahat ng mamamayan.

Labanan ang nagbabagang fake news sa usaping karapatang pantao nang hadlangin ang banta ng mga dugong diktador sa ika-9 ng Mayo 2022. Maging politikal, kritikal, at makiisa sa pagpapataas ng diskurso sa pambansang halalan.

--

--

2minDig
2minDig

Written by 2minDig

Tumitingin, Tumutugon, Tumitindig!

No responses yet