PILIPINAS, HINDI PA TAYO TAPOS!

2minDig
4 min readMay 13, 2022

--

Akda ni Rory | Inilatag ni Isla

Sa Ika-9 ng Mayo 2022, itinakda ang isa sa pinakahihintay na laban ng sambayanang Pilipino. Nakatakda sa araw na ito ang pagbibigay boses sa mahigit 65.7 milyong Pilipino upang pumili ng susunod na mamumuno sa bansa sa loob ng anim na taon. Isang boto na magtatakda at magdidikta sa kinabukasan ng bawat Pilipino. Ang laban ng katotohanan, karapatan, kalayaan at kasarinlan.

Inaasahang bukas ang mga presinto mula ika-6 ng umaga hanggang ika-7 ng gabi upang magbigay daan sa eleksyong ito. Mayroon lamang na isang balota at isang pagkakataong bumoto. Hindi pa man nagsisimula ang araw, samu’t saring aberya na ang naidulot sa mga botante kabilang na lang ang sandamakmak na naglolokong vote counting machines, sira-sirang SD Cards, lantarang pandaraya sa pamamagitan ng pagpapapirma ng waivers, at karahasang naidudulot sa mga poll watchers at mga gurong nagbabantay. Sa gitna ng hindi mabilang na banta ng dayaan, hindi nagpatinag ang mga botante sa init ng panahon at kahabaan ng pila. Kahit na gutom at mahabang oras na ang naigugol nila sa pagtayo ay matiyaga pa rin silang naghintay sa pag-asang sila’y makaboto na rin. Kahit pa abutin ng umaga ay hindi sila nagpasiil dahil sa paghahangad ng isang tapat at malinis na eleksyon.

ANIM NA TAON. Anim na taon mula nung iniluklok sa pwesto ng pagkapangulo ng bansa si Duterte, kabiyak nito ang anim na taong paghahanda sa susunod na eleksyong magaganap. ISANG LINGGO. Isang linggo ang ibinigay upang masigurado na ang lahat ng makinaryang gagamitin ay maayos at walang aberya. Isang araw lamang ang sigaw at hinihingi ng bawat mamamayan upang mabago ang bulok na pamamalakad sa loob ng anim na taon ngunit palyado pa rin ang sistema. Pinaghandaan ba talaga? Ang mahabang panahon na ipinagkaloob sa COMELEC upang maatim ng mga Pilipino ang malinis na eleksyon ay nauwi lamang sa wala. Hindi kayo patas. Kailan pa naging kasalanan ng pandemya at ng mga botante ang mga anomalyang ito? Hindi ba’t sapat na panahon na ang ibinigay ngunit anong nangyari? PALPAK.

Hanggang ngayon ay nananatiling nagbubulag-bulagan ang COMELEC sa lantarang vote buying at pagpunit ng mga balota. Patuloy pa rin ang kanilang pagbibingi-bingihan sa panawagan at sigaw ng masa. Sa paglabas ng unofficial at partial tally result, samu’t sari ang naging reaksyon ng bawat Pilipino. Kabiyak ng kanilang pananahimik ang pagtanggal ng karapatan sa bawat Pilipino. Halo halong emosyon ang nangingibabaw ngayon sa mga Pilipinong pilit na nagsusumigaw ng katotohanan at kalayaan. Mga Pilipinong tumitindig at ipinaglalaban ang Pilipinas.

Ang pagluklok sa pwesto kay Marcos bilang isang lider ng Pilipinas ay isang malaking sampal sa libo-libong taong naghirap, nagdusa, at walang awang kinitilan ng buhay noon. Ang pagluklok sa kanya ay isang malaking sampal sa lahat ng taong matapang na nanindigan noon sa EDSA upang mapatalsik sa pwesto ang isang diktador. Isa itong malaking sampal sa lahat ng biktima ng Martial Law na hanggang ngayon ay pinagkakaitan pa rin ng hustisya. Hanggang ngayon ay pilit silang sumisigaw at nakikibaka sa pag-asang hindi na manunumbalik sa kapangyarihan at pwesto ang pamilyang ito. Isa itong sampal sa mga kabataang nagsusumamo ng tapat na gobyerno at walang sawang naninindigan sa tama.

Nakakadismaya na magmula noon pa man, tahasan na ang panlolokong ginagawa ng mga MARCOS sa bawat pilipino. Nakakagalit na hanggang ngayon ay nililinlang at kinu-corrupt nila ang bawat isip ng mamamayan. Nakakadurog ng puso dahil hanggang ngayon ay pilit tayong pinaglalaruan ng gobyernong ito. Sa kabila ng harapang paglalapastangan sa ating mga karapatan, huwag tayo magpa-apid dahil hindi Pilipino ang tunay na kalaban dito sapagkat biktima lamang din sila ng maling impormasyon, pangakong ipinako, at mga pangongondisyon ng mga pilit naghahari sa bansang ito. Hindi Pilipino ang tunay na kaaway natin sa labang ito. Sila ang ating ipinaglalaban.

Ang laban na ito ay hindi lamang para sa ating kinabukasan dahil laban din ito ng mga kabataang mataas na nangangarap. Laban din ito ng bawat manggagawang kontraktwal, mga magsasaka at mga mangingisda na nakakaranas ng karahasan. Laban din ito ng mga alagad ng midya na patuloy na nakakaranas ng panreredtag at kalupitan. Laban din ito ng mga nasa laylayan na pilit ninanakawan ng pangarap at pag-asa.

Kinakailangan na nating matuto. Hindi natin hahayaan maisulat na naman ang nakaraan. Hindi pa huli ang lahat. Magkita-kita tayo sa lansangan kung kinakailangan dahil lalaban pa tayo. Nagawa na ito ng mga Pilipino noon, magagawa ulit natin ito. Hindi isang MARCOS at DUTERTE na naman ang mamumuno ng bansang ito. Hindi isang basura, mamamatay tao at magnanakaw na pilit ipinagkakaila ang kasalanan ng kanyang ama. Hindi isang anak ng diktador na nagpahirap sa buhay ng milyong pilipino. Hindi isang MARCOS at isang DUTERTE na naman ang mananalo dahil sa panahong ito, hindi tayo papayag. Dahil sisiguraduhin natin na sa labang ito, PILIPINO ANG MANANALO.

Walang lugar ang lantarang pandaraya sa halalang ito. Ang mga magnanakaw at mandaraya ay marapat na nasa kulungan at hindi sa Malacañang dahil wala silang lugar para rito. Hindi tayo papayag na isang MARCOS at DUTERTE na naman ang mailuklok sa pwesto para lamang balutin ng pandaraya at panloloko ang mga Pilipino. Hindi na tayo makakalimot kailanman. Gisingin natin ang natutulog pa nating lakas dahil hindi dito natatapos ang ating pagtindig at paninindigan — NAGSISIMULA PA LANG TAYO.

--

--

2minDig
2minDig

Written by 2minDig

Tumitingin, Tumutugon, Tumitindig!

No responses yet