Sierra, Hindi “Sira” Madre

2minDig
2 min readNov 10, 2022

--

Akda ni Bea Balasta | Inilatag ni Shamica de Mapue

Ilang bagyo pa ba ang kailangang dumaan upang patunayan ang kahalagahan ng kalikasan sa pagprotekta sa mundo mula sa mga kalamidad? Tingnan na lang ang tulong na naidulot ng pinakamahabang mountain range sa bansa — ang Sierra Madre, matapos ang mga nagdaang malalakas na bagyo.

Noong taong 2016 nang tumama ang super typhoon Lawin sa bansa ay nakatulong na ang tinaguriang “backbone of Luzon” sa pagpapahina ng mga bagyo, ganoon rin ang naging epekto nang nanalasa ang Ulysses taong 2020 at Karding at Paeng ngayong taong 2022 sa bansa. Ngunit hindi pa rin matapos-tapos ang diskusyon sa pagpupumilit na sirain ang parteng ito ng kalikasan sa Luzon.

Matatandaang nagkaroon ng proyekto ang administrasyong Duterte sa ilalim ng Build, Build, Build program upang bigyang solusyon ang pagkukulang ng suplay ng tubig sa Metro Manila dahil na rin sa epekto ng climate change na nagdulot ng mahabang tagtuyot sa bansa na siyang sisira naman sa Sierra Madre, ang Kaliwa Dam Project.

Naging mainit ang usaping ito dahil bukod sa tagtuyot ay unti-unti na ring lumalakas ang mga bagyong tumatama sa bansa dahil sa pagbabago ng klima at natural na panangga ang istraktura ng Sierra Madre sa mga bagyo na siyang nagpapahina sa lakas ng hangin na dumadaan dito. Sa lokasyon ng Sierra Madre sa tabi mismo ng karagatan ng Pasipiko kung saan madalas nabubuo ang mga malalakas na bagyo at sa haba nitong 540 kilometro ay napoprotektahan nito ang sampung probinsya: Aurora, Bulacan, Cagayan, Isabela, Laguna, Nueva Ecija, Nueva Viscaya, Quezon, Quirino at Rizal. Bukod pa ay tahanan din ito ng iba’t-ibang mga hayop pati na ng mga katutubong Agta-Dumagat-Remontado. Makikita na mas maraming maaapektuhan kung ipagpapatuloy pa rin ang pagsira sa lugar dahil sa kawalan ng matinong solusyon ng mga nakaupo para maging balanse ang komportableng pamumuhay ng mga tao nang walang nakokompromiso.

Mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng kalikasan sa pagprotekta sa mga tao, pero dahil sa pagiging gahaman ng mga nasa kapangyarihan ay patuloy rin ang pag-usbong ng mga proyektong sumisira dito. Bilang mga mamayanan ay tungkulin nating makialam sa mga ganitong usapin lalo na’t nakataya rito ang kaligtasan hindi lamang ng kalikasan, katutubo o mga hayop na nakatira sa Sierra Madre kundi pati na rin ng libo-libong tao na nakatira sa likod ng nasasakupang mga probinsya nito. Ngayong National Environmental Awareness Month, maging maalam at makiisa sa mga kilusan at organisasyon na naglalayong mas mapabuti ang pangkalahatang kalagayan ng kalikasan. Dahil ang laban ng kalikasan, ay laban ng mamamayan.

--

--

2minDig
2minDig

Written by 2minDig

Tumitingin, Tumutugon, Tumitindig!

No responses yet