STATEMENT | Kawalan ng Hustisya, Kawalan sa Malayang Pamamahayag
Walang pinag-iba ang karampot na pagkamit ng hustisya ng mga biktima ng Ampatuan Masaker. Sa kasalukuyang panahon, malabo ring makamit ang hustisya mula sa umiiral na karahasan at pamamaslang sa hanay ng mga mamamahayag.
Takda ngayong araw ang ika-labing tatlong taong anibersaryo ng isa sa mga karumal-dumal na pamamaslang ng pamilyang Ampatuan sa mga manggagawang mamamahayag sa Sitio Masalay, Salman Village, Maguindanao del Sur. Tinatalang 58 na biktima, kabilang ang 32 na mga manggagawang mamamahayag sinapit ang karahasan noong ika-23 ng Nobyembre, 2009/
Pagkatapos ng sampung taon ng nangyaring pagpaslang, noong 2019 ay hinatulang “guilty” ang 28 na akusado. Mga masterminds tulad ni Datu Andal Jr. at Zaldy Ampatuan, ay hinatulan ng 57 counts of murder. Sa kasalukuyan, higit sa 50 pang katao ang malaya pa sa kamay ng batas.
Parsyal man ang pagkamit ng hustisya para sa mga pamilya ng mga biktima, sa isang dekadang inabot at patuloy na paggaod ng mga kaso sa hukuman natatanaw ang matagalan nitong pag-resolba. Salamin ito ng kawalan ng kawastuhan sa sistema ng pagkamit ng hustisya sa bansa. Habang patuloy na namumuno sa kapangyarihan sa politika ang mga magnanakaw na nagwaldas ng bundok-bundok na pera ng bayan, nananatiling pinagkakait ang mga biktimang pamilya na ipinaglalaban ang makatarungang kompensasyon.
Ang higit sa isang dekadang pagbinbin sa pagkamit ng hustisya sa mga biktima ng Ampatuan Masaker ay hindi lamang kasadlakan sa mga pamilyang umaasa mapasahanggang ngayon, kundi nginig sa kalamnan ng lahat ng mga mamamahayag sa pagtangan sa kanilang larangan. Ngayon na tumataas ang mga kaso ng mga pantatapak sa karapatan ng mga alagad ng midya, ang sistematikong pag-iral ng isyu na ito ang siyang umaatake sa demokratiko nating karapatan sa malayang pamamahayag.
Kasalukuyan ay tumatayo ang Pilipinas bilang ikapitong bansa na panganib na maging isang peryodista. Sa tala mula sa nagdaang rehimen ni Rodrigo Duterte, 22 ang mga pinaslang na mga mamamahayag sa loob ng anim na taong termino. Ngayon pa lamang, sa sumunod na ilehitimong administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., umaabot na sa tatlo ang pamamaslang — sina Percival Mabasa, Renato Blanco, and Benharl Kahil. Maski sa kanila, batugan ang administrasyong Marcos II-Duterte sa kanilang pananagot sa mga pinaslang na mga mamamahayag — maps sa malakihang institusyon, sa alternatibong midya, o kampus mamamahayag. Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines, tinatayang 197 na mga mamamahayag ang pinaslang mula 1986.
Sinapit pa sa unang isang libong araw ng administrasyong Marcos ang pag-igting ng mga pagpapasara sa mga media outfits sa bansa. Mula sa ABS-CBN Shutdown, tungo sa mga alternatibong midya tulad ng Bulatlat at Pinoy Weekly. Danak ng pagrerehas, intimidasyon, at red-tagging din sa mga indibidwal. Kahit man itinuturing si Maria Ressa bilang unang Nobel Peace Prize winner, disrespeto pa rin ang administrasyon mula sa pagpapaulan ng redtagging at disimpormasyon sa Rappler. Gayundin, hanggang ngayon ay iligal na ikinulong si Frenchiemae Cumpio sa akusasyon ng iligal na pag-aari ng firearms.
Mula rito, talima ang mga ulat sa kung paano paulanan at pabulaanan ang larangan ng pamamahayag sa hindi nito kayang gampanan — ang mangdahas at manakot ng mga mamamayan. Sapagkat numero uno na hindi isinasakamay ng ating batas ang pagkukulong sa mga berdugo na nagsisilbing bulong na lamang ang kanilang ipinaslang. Mulat ang estado sa pag-orkestra nito mula sa paulit-ulit at palalang atake sa mga mamamahayag. Ang pananatili ng kultura ng impyunidad ay hindi lamang pagbabalahura sa larangan ng mga alagad ng midya, kundi paglabag sa kung sinuman, mapamamamahayag man o mamamayan ng bansa.
Ang ika-labing tatlong taong anibersaryo ng Ampatuan Masaker ay marapat lamang na gunitain at ipag-alala. Kahit man makamit na ang hustisya sa mga biktima, magpapatuloy na iuulat at ipaglalaban ang mga demokratikong karapatan ng mga mamamahayag upang makamit nito ang mapagpalaya nitong oryentasyon. Sa gitna ng lumalalang disimpormasyon at distorsyon ng kasaysayan, hamon sa mga mamamahayag ngayon na hindi lamang itaas ang diskurso at militanteng kumilos sa parlamentaryo ng lansangan, kundi pumunta sa mga komunidad na matindi ang pagbilog ng estado. Tumatambol ang atake sa midya sa ating mga mamamayan sa lungsod at kanayunan, na magkasamang naniniwala sa karapatan natin sa impormasyon at kalayaan sa ating pamamahayag.
Kaisa ang BABR 3–2D sa malawak na hanay ng mga manggagawang midya, mga lider kabataan at mamamahayag at ang kanilang kinabibilangang kampus pahayagan, at ang nagkakaisahang mga organisasyon laban sa sistematikong represyon sa ating larangan. Hinog ang mga batayan para sa mga susunod pang mga henerasyon ng mga mamamahayag na ipaglaban ang mga demokratikong karapatan laban sa tumataas na abuso at karahasan ng estado.
Ang kawalan ng hustisya ay kawalan din sa ating pagkamit ng katotohanan. Ang kawalan ng hustisya ay kawalan din sa tunay na kalayaan sa pamamahayag!
#FightFor58 #13thAmpatuanMassacre #EndImpunity #DefendPressFreedom