Tuloy po kayo!

2minDig
2 min readNov 18, 2021

--

Akda ni Erika Martinez | Inilatag ni Gab Campos

Sa pagyakap ng araw sa lupang tinubuan, laging may kumakatok sa pintuan ng aking bahay tuwing sasapit ang ika-labing-isang buwan ng taon. Ito ay mga memorya ng makatindig balahibong karanasan na patuloy na umiinog sa aking kaisipan.

Minsan nga ay nakarinig ako ng mga yabag ng paa sa sala. Noong aking tiningnan kung may dumating akong bisita — wala sila pero dama ko ang presensya. Sa kasalukuyan naman ay tumatakbo ako kasama ng libo-libong tao sa paghahanap ng masisilungan para makaiwas sa pagpapaulan ng mga tuta sa ilalim ng macho-pyudal na sistema. Pero sa kalagitnaan nito’y nagising ako — tagaktak ang pawis at hingal na hingal ng alas tres ng hapon. Lingid sa aking kaalaman na hindi lamang ito mga kathang-isip na dala ng panaginip.

Sambit ng nakararami, baka raw bukas ang ikatlo kong mata. Batid ko ay totoo nga naman. Nariyan pa nga, nakalapag sa lamesita. Siyang saksi sa karahasan at kasakiman ng mga lasong dilaw. Isa sa kasangkapan noong dati’y giniit ang makatwirang panawagan at lehitimong karapatan ng libo-libong organisadong mamamayan.

Kaya’t nagtimpla na muna ako ng kape sa maalinsangang panahon upang mahimasmasan. Katabi ng tasa ang ikatlo kong mata na nasa lamesita — ito ang bitbit kong lente nang aking isiniwalat ang eksploytasyon na pinapairal ng garapal at tusong pamilya. At nang humalik ang araw sa lupa, ang kapeng iniinom ko’y pula at lasang kalawang — dahil ang asukal dito sa Luisita ay nagiging literal na pula sa paghahalo ng mga dugo mula sa mga buhay na walang habas na kinitil ng angkan.

Saglit lang, ayan na ang kumakatok sa aking pintuan tuwing Nobyembre. Naririnig kong muli ang yabag ng mga paa, hiyaw ng karapatan at paniningil ng hustisya. Dahil lagi’t-lagi silang nagpapaalala, hindi lamang sa araw ng paggunita.

--

--

2minDig
2minDig

Written by 2minDig

Tumitingin, Tumutugon, Tumitindig!

No responses yet